Health Encyclopedia
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Upper GI Endoscopy na may Biopsy

Isang pagsusuri ang Upper GI endoscopy na tinitingnan ang loob ng iyong itaas na GI (gastrointestinal) tract. Kabilang dito ang iyong lalaugan (esophagus) at sikmura. At kasama nito ang unang bahagi ng iyong maliit na bituka (duodenum). Kilala din ang pagsusuring ito bilang EGD (esophagogastroduodenoscopy). Ginagawa ito gamit ang kasangkapan na tinatawag na endoscope. Isa itong mahaba, manipis, at nababanat na tubo. Mayroon itong maliit na camera sa isang dulo. Tumutulong ang pagsusuring ito upang maghanap ng mga problema gaya ng mga ulser, impeksyon, o mga pagtubo. Maaari nitong masuri kung mayroong sakit na celiac (labis na sensitibo sa gluten ang maliit na bituka), gastritis (pamamaga ng lining ng sikmura), at esophagitis (pamamaga ng lalaugan). Sa panahon ng pagsusuri, maaaring kuhanin ang mga sample ng tisyu (mga biopsy). Pinag-aaralan ang mga ito para sa mga problema.

Balangkas ng ulo at katawan na may endoscope sa bibig at lalaugan. Natatapos ang scope sa unang bahagi ng maliit na bituka.
Sa tulong ng isang endoscope, makikita ng doktor ang loob ng itaas na GI tract at makakukuha rin ng mga sample ng tisyu.

Paghahanda para sa iyong pamamaraan

Sundin ang anumang tagubilin mula sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Sabihin sa iyong tagapangalaga ang tungkol sa anumang gamot na iniinom mo. Kasama rito ang mga gamot, bitamina, halamang-gamot, at iba pang suplemento na inirereseta at nabibili nang walang reseta. Maaaring kailanganin mong ihinto ang pag-inom sa ilan o lahat ng ito bago ang pagsusuri.

Sundin ang anumang tagubiling ibinigay sa iyo para sa hindi pagkain o pag-inom bago ang pagsusuri.

Sa araw ng pamamaraan

Tumatagal ang pamamaraan ng halos 20 minuto. Uuwi ka sa araw ding iyon.

Bago magsimula ang pamamaraan:

Maaaring bigyan ka ng gamot upang tulungan kang magrelaks o makatulog (pagpapakalma). Ibinibigay ito sa pamamagitan ng paglalagay ng linya ng IV (intravenous) sa ugat (vein) ng iyong braso o kamay. Maaaring mamanhid ang iyong lalamunan gamit ang spray o likido. Lalagyan ka ng maliit na plastic guard upang protektahan ang iyong mga ngipin. Bibigyan ka ng oxygen upang huminga sa pamamagitan ng maliliit na prong (cannula) na kasya lang sa loob ng iyong ilong. Ikokonekta ka sa isang makina upang subaybayan ang tibok ng iyong puso.

Habang ginagawa ang pamamaraan:

  • Humiga ka nang patagilid sa iyong kaliwang bahagi ng katawan. Ipapasok ang endoscope sa loob ng iyong bibig, at gagalaw ito pababa sa iyong lalamunan.

  • Ginagamit ang hangin upang ibuka ang iyong GI tract. Tumutulong ito upang makita nang mas malinaw ang lining. Maaari kang makaramdam ng pagdiin o banayad na kirot dahil sa hangin.

  • Nagpapadala ang scope ng mga larawan ng iyong GI tract sa isang computer screen. Tinitingnan ang lalaugan, sikmura, at duodenum.

  • Maaaring makita at magamot ang mga problema. Kabilang sa mga ito ang pagdurugo, pamumula o pamamaga (inflammation), o mga pagtubo. Gamit ang mga kagamitang pinadadaan sa pamamagitnan ng endoscope, maaaring kumuha ng maliliit na sample ng tisyu (biopsy). Sa ilang kaso, maaaring alisin ang maliit na pagtubo. Maaaring isagawa ang iba pang paggamot tulad ng pagbanat (dilating) sa makitid na bahagi.

  • Pagkatapos, aalisin na ang endoscope.

Pagkatapos ng pamamaraan: 

Kakausapin ka ng tagapangalaga ng kalusugan kinalaunan tungkol sa mga resulta. Magpapahinga ka at susubaybayan hanggang sa makauwi ka. Magpahatid sa isang nasa hustong gulang na miyembro ng pamilya o kaibigan.. Magpahinga sa buong araw. Kung nagkaroon ka ng biopsy, magiging handa ang mga resulta sa loob ng halos 7 araw.

Pagpapagaling sa bahay

Malamang na makaramdam ka ng pagkaantok matapos ang pagsusuri. Normal ang banayad na pamamaga ng lalamunan, banayad na hangin, at kabag. Kapag nasa bahay ka na, sundin ang anumang tagubilin na ibinigay sa iyo. Kung binigyan ka ng pampatulog, huwag magmaneho, magpatakbo ng makina, o gumawa ng malalaking desisyon hanggang sa susunod na araw.

Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan

Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Giniginaw na nangangaligkig

  • Pananakit ng dibdib

  • Mga duming may maitim na kulay

  • Matinding pananakit ng tiyan (abdominal) na hindi nawawala kapag umuutot

  • Pamamaga ng lalamunan na hindi mawala-wala

  • Hirap sa paglunok

  • Pagsusuka, lalo na kung may kasamang dugo

  • Alin man sa mga senyales o sintomas na binanggit ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

Follow-up na pangangalaga

Kung nagkaroon ka ng biopsy, magiging handa ang mga resulta sa loob ng halos 7 araw. Kakausapin ka ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa anumang iba pang pagsusuri o paggamot na maaaring kailanganin.

Mga panganib at posibleng komplikasyon

  • Pamamaga ng lalamunan o pamamaos

  • Kabag

  • Pagduduwal

  • Reaksyon sa allergy sa gamot na pampatulog o pampamanhid

  • Pagdurugo habang o pagkatapos ng pamamaraan

  • Labis na pagdurugo mula sa lugar na kinuhanan ng biopsy (kung isinagawa ang biopsy)

  • Pagkakaroon ng butas o punit sa lining ng digestive tract

  • Paghinga na may kasamang pagkain o likido sa mga baga (aspiration)

  • Hindi regular na pagtibok ng puso o atake sa puso sa taong may sakit sa puso o baga

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer