Makibahagi sa Pangangalaga ng Iyong Kalusugan: Kung Sasailalim ka sa Operasyon
Nakaiskedyul ka bang sumailalim sa operasyon? Normal ang mag-alala o medyo matakot pa nga. Tandaan na gagawin ng iyong surihano at iba pang tagapangalaga ng kalusugan ang lahat ng kanilang makakaya upang alagaan ka nang mabuti. At marami kang magagawa upang matulungan ang iyong team na tagapangalaga ng kalusugan na panatilihin kang ligtas. Nangangahulugan ang pagiging kabahagi na pagsasalita, pagtatanong, at pag-unawa sa iyong tungkulin.

May karapatan kang magsalita!
Nauunawaan mo ba ang iyong problema sa kalusugan? Naitanong mo na ba kung mayroong mga pamimilian bukod sa operasyon? Alam mo ba kung ano ang gagawin sa panahon ng operasyon? Ano-ano ang mga pinakakaraniwang kumplikasyon? Malinaw ba kung ano ang kailangan mong gawin upang maghanda? Alam mo ba kung paano alagaan ang iyong sarili pagkatapos? Huwag mahiya na magtanong. May karapatan kang malaman kung ano ang mangyayari sa iyo. Magbibigay ng kapayapaan ng isip ang pagkaalam nito. Makatutulong din ito na masiguro na nakukuha mo ang pinakamahusay na pangangalaga hangga't maaari. Kaya huwag mag-atubiling magsalita!
Makatutulong dito ang pagkakaroon ng tagapamagitan. Ito ay miyembro ng pamilya o kaibigan na kasama mo sa mga pagbisita sa tagapangalaga ng kalusugan. Nakikinig sila sa mga sinasabi sa iyo ng tagapangalaga ng kalusugan, nagtatanong, at tumutulong na masiguro na maayos ang takbo ng mga bagay-bagay. Hilingin sa isang tao na iyong pinagkakatiwalaan na maging iyong tagapamagitan. Kung wala kang miyembro ng pamilya o kaibigan na gaganap sa tungkuling ito at gusto mo ng tulong, sabihin sa mga tagapangalaga ng kalusugan.
Paghahanda para sa operasyon
Upang tulungan kang maghanda para sa iyong operasyon:
-
Isulat ang anumang tanong na mayroon ka tungkol sa pamamaraan. At saka tanungin ang iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa mga kasagutan. Halimbawa:
-
Kumpirmahin kung ano ang tawag sa operasyon at kung para saan ito.
-
Ilista ang lahat ng gamot, suplemento, at halamang-gamot na iyong iniinom. Itanong kung dapat mong ihinto ang pag-inom ng alinman sa mga ito bago ang pamamaraan. Siguraduhing isama ang lahat ng inireseta sa iyo, pati na rin ang mga gamot, halamang-gamot, at suplementong iyong nabibili nang walang reseta.
-
Itanong kung kailangan mo ng espesyal na suplay o kagamitan sa bahay na tutulong sa iyong paggaling. Kasama rito ang mga bagay gaya ng saklay o walker. Itanong kung saan mo mabibili ang mga kagamitan. Itanong kung sasaklawin ng iyong insurance ang gastos.
-
Sundin ang anumang tagubilin na ibinigay sa iyo para sa hindi pagkain o pag-inom bago ang operasyon.
-
Sumunod sa partikular na tagubilin sa pangangalaga ng balat. Maaari kang turuan na maligo gamit ang espesyal na sabon o huwag ahitin o gamitan ng lotion o deodorant ang bahaging inoperahan.
-
Kung mayroon kang karagdagang tanong pag-uwi mo ng bahay, tumawag sa opisina ng iyong surihano para sa mga sagot.
-
Isama ang iyong tagapamagitan. Dapat ka niyang dalhin papunta at mula sa pasilidad ng pangangalaga sa kalusugan. Kung maaari, dapat niyang manatili sa pasilidad sa panahon ng iyong pamamaraan. O maaari niyang sabihin sa mga tauhan kung paano siya matatawagan.
Bago ang operasyon: Patuloy na magtanong
Sa pasilidad ng pangangalaga sa kalusugan, siguraduhing tingnan ang mga sumusunod:
-
Ang iyong form ng may kabatirang pagsang-ayon. Bibigyan ka ng form na ito upang pirmahan. Sasabihin nito sa iyo ang tungkol sa iyong nakaiskedyul na pamamaraan. Ibabalangkas nito ang mga panganib ng pamamaraan. Basahin itong mabuti bago mo ito pirmahan. Magtanong kapag mayroon kang hindi naiintindihan. At suriin nang dalawang beses ang mga detalye sa form. Siguraduhing tama ang iyong personal na impormasyon, ang uri ng operasyon na iyong pagdadaanan, at ang eksaktong lokasyon sa iyong katawan na ooperahin. Kinukumpirma ng iyong pirma sa form na ito na nasagot ang lahat ng iyong mga tanong tungkol sa operasyon. Kung mayroon kang mga tanong, itanong ang mga ito bago pirmahan ang form.
-
Ang iyong patient-identity bracelet. Siguraduhing tama ang impormasyon sa bracelet na ito. Ipasuri muna ang bracelet na ito sa sinumang nagbibigay sa iyo ng gamot o paggamot.
-
Ang lokasyon ng operasyon. Malamang na mamarkahan ng iyong surihano ang bahagi ng iyong katawan kung saan isasagawa ang operasyon. Tumutulong ito na masiguro na tama ang bahagi ng katawan na inooperahan. Kung ginawa ang pagmamarka habang gising ka, kumpirmahin na tama ang bahagi ng katawan na minamarkahan. Kung hindi ka gising habang ginagawa ang pagmamarka, ipakumpirma ang lokasyon sa iyong tagapamagitan.
Magtanong upang malaman kung ginagawa ang mga hakbang upang mapanatili ang iyong kaligtasan. Huwag mag-atubiling siguraduhin na:
-
Alam ng bawat tagapangalaga ng iyong kalusugan kung sino ka at kung bakit ka nariyan. Huwag matakot na ipakilala ang sarili. Maaari mo ring banggitin ang operasyon na iyong pagdadaanan.
-
Nakarating sa iba ang impormasyon. Tingnan kung alam ng iyong mga tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa lahat ng gamot na iyong iniinom. Kasama rito ang mga gamot na inirereseta at nabibili nang walang reseta, pati na rin ang mga halamang-gamot at suplemento. Banggitin kung mayroon kang allergy sa anumang gamot o bagay tulad ng latex, iodine, o adhesive. At kumpirmahin na alam nila ang iyong medikal na kasaysayan at ang mga resulta ng anumang pagsusuri na nagkaroon ka.
-
Naiiwasan ang mga posibleng problema. Halimbawa, kung inihahanda ng isang tao ang iyong binti para sa operasyon at ooperahan ka sa iyong braso, maaaring magkaroon ng problema. Tuwing mayroong tila hindi tama, magsalita ka!
-
Ginagamit ang mabuting pamamaraan sa paghuhugas ng kamay. Maraming mikrobyo sa mga pasilidad ng pangangalaga ng kalusugan. Maaari magsanhi ng impeksiyon ang mga mikrobyo. Isa ang paghuhugas ng kamay sa mga pinakamagagandang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng mikrobyo. Tingnan kung naghuhugas ng kamay o gumagamit ng alcohol-based hand gel ang mga tagapangalaga ng kalusugan bago ka hawakan o gamutin. Huwag matakot na hilingin sa mga tagapangalaga ng kalusugan na linisin ang kanilang mga kamay. At kung naospital ka, hugasan nang madalas ang iyong mga kamay. Siguraduhing hinuhugasan ng iyong pamilya o mga kaibigan ang kanilang mga kamay pagkapasok nila sa iyong silid sa ospital at bago ka nila hawakan.
Alamin kung ano ang gagawin pagkatapos ng operasyon
Pagkatapos ng operasyon, magpapagaling ka sa pasilidad ng pangangalaga ng kalusugan o ilalabas para makauwi. Tumulong na siguraduhin na maayos ang iyong paggaling. Tiyakin na alam mo kung:
-
Kailan dapat tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Halimbawa, dapat kang tumawag kung mayroon kang palatandaan ng impeksiyon, tulad ng lagnat. Alamin kung anong iba pang sintomas ang dapat na magdikta na tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan.
-
Paano inumin ang iyong mga gamot. Magtanong tungkol sa anumang gamot na iniresata para sa iyo. Alamin kung ano ang tawag sa bawat gamot, para saan ito, at gaano ito kadalas iinumin. Alamin kung ano-ano ang aasahang masasamang epekto. Itanong din kung kailan ka makapagsisimulang uminom ng anumang gamot na iyong itinigil bago ang operasyon. Kung marami kang gamot na iinumin, gumawa ng iskedyul upang iyong masubaybayan.
-
Paano pamahalaan ang pananakit. Kung mayroon kang pananakit, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Alamin kung ano ang maaari mong gawin upang pamahalaan ito.
-
Paano pangalagaan ang lokasyon ng operasyon. Kung mayroon kang benda, itanong kung paano ito pangangalagaan at kailan mo ito maaaring alisin. Itanong kung kailan ka maaaring mag-shower o maligo ulit.
-
Ano ang follow-up na pangangalagang iyong kailangan. Itanong kung kailan ka dapat magkaroon ng follow-up na pagbisita sa iyong surihano o iba pang tagapangalaga ng kalusugan. Ipagpatuloy ang lahat ng iyong follow-up na appointment. Alamin kung kakailanganin mo ang physical therapy or ibang pangangalaga pagkatapos ng operasyon.
-
Kailan ka maaaring bumalik sa normal na mga aktibidad. Alamin kung kailan ka maaaring ligtas na bumalik sa pagmamaneho, trabaho, at ehersisyo.
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.